Noong 2013, halos anim na raang tao ang dumating para panoorin si Nik Wallenda, isang sirkero sa himpapawid. Lalakad siya sa kableng bakal na dalawang pulgada lang ang kapal. 1,400 naman ang habang tatawirin niya, sa isang banging malapit sa Grand Canyon sa Amerika. Pagtapak niya sa kable, ipinagpasalamat niya kay Jesus ang magandang tanawin. Nagdasal siya at nagpuri kay Jesus habang kalmado niyang tinawid ang bangin na para bang naglalakad lang sa bangketa. Nang naging delikado dahil lumakas ang hangin, tumigil siya at yumuko. Pagkatapos, tumayo siya, nagbalanse ulit, at nagpasalamat sa Dios sa “pagpapakalma sa kable.” Sa bawat hakbang niya, ipinakita niya ang tiwala niya sa kapangyarihan ni Cristo sa lahat ng naroon at sa mga manonood ng video sa buong mundo.

Naranasan rin ng mga alagad ni Jesus ang malakas na hangin at malalaking alon sa Lawa ng Galilea noong inabutan sila ng bagyo roon. Puno ng takot ang paghingi nila ng tulong kay Jesus (MARCOS 4:35-38). Pinatahimik ni Jesus ang unos at nalaman nilang napapasunod Niya ang hangin at ang lahat ng elemento sa mundo (TAL. 39-41). Kaya unti-unting lumaki ang tiwala nila sa Kanya. Nakatulong ang karanasang ito para makilala ng iba ang kakaibang lakas ni Jesus at ang kahandaan Niyang tumulong.

Sa pagdaan natin sa bagyo o pagtawid sa mga bangin ng pagdurusa, maipapakita natin ang malalim na tiwala natin sa kapangyarihan ni Cristo. Gagamitin ng Dios ang lakad- pananampalataya natin para mahikayat ang iba na umasa rin sa Kanya.