"Nagkumpulan na ang mga bubuyog mo!" Sumilip sa pinto ang asawa ko at ibinalita ang bagay na hindi gugustuhing marinig ng sinumang nag-aalaga ng bubuyog. Tumakbo ako palabas at nakita kong lumilipad na nga ang libu-libong bubuyog palayo ng bahay-pukyutan tungo sa tuktok ng mataas na puno ng pino.

‘Di ko agad napansin ang mga palatandaan. Naantala kasi ng mahigit isang linggong bagyo ang pag-inspeksyon ko. Noong araw na lumipas na ang bagyo, lumipad na rin sila palayo. “Huwag mong sisihin ang sarili mo,” sabi ng beteranong nag-aalaga ng bubuyog nang makita niya ang panlulumo ko. Dagdag pa niya, “Maaaring mangyari ito kahit kanino!”

Matamis na regalo ang pagpapatibay-loob. Naranasan ito ni Haring David noong di pa siya hari at pinanghinaan siya ng loob dahil tinutugis siya ni Haring Saul para patayin. Pinatibay ni Jonatan na anak ni Haring Saul ang loob ni David. “Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Nalalaman ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo,” ang sabi ni Jonatan. (1 SAMUEL 23:17).

Nakakagulat ang walang pag-iimbot na salita mula sa tagapagmana ng kaharian. Marahil alam ni Jonatan na kasama ni David ang Dios, kaya nagsalita siya mula sa pusong may pagpapakumbaba at pagtitiwala.

Marami ang may kailangan ng pagpapatibay ng loob. Tutulungan tayo ng Dios upang tulungan sila ‘pag nagpakumbaba tayo. Hilingin nating maging daluyan tayo ng Kanyang pagmamahal.