Sa tulang The Witnesses (Mga Saksi), inilarawan ni Henry Wadsworth Longfellow (1807-1882) ang lumubog na barko ng mga alipin. Sa pagsulat niya ng “kalansay na nakagapos,”ipinagluksa niya ang napakaraming biktima ng pang-aalipin. Ito ang huling taludtod ng tula: “Ito ang pighati ng mga Alipin, / Nakatitig sila mula sa kailaliman; / Humahagulgol mula sa hindi alam na libingan, / Tayo ang mga Saksi!” Pero sino nga ba ang kinakausap ng mga saksing ito? Hindi kaya wala namang saysay ang tahimik na pagpapatotoo?

Ngunit may isang Saksing nakakakita ng lahat. Nagkunwari si Cain na walang nangyari matapos niyang patayin ang kapatid na si Abel, “Ako ba ang tagapagbantay niya?” (GENESIS 4:9). Pero sinagot siya ng Dios, “Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya. Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Mula ngayon, hindi ka na makakapagsaka sa lupa na sumipsip ng dugo ng iyong kapatid na pinatay mo” (TAL. 10-11). Kaya babala sa atin ni Apostol Juan, “Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid” (1 JUAN 3:12). Nanatili rin ang pangalan ni Abel, pero malaki ang pagkakaiba. “Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain...Kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya” (HEBREO 11:4).

Nagsasalita pa rin si Abel! Tulad ng mga buto ng mga nilimot nang alipin. Makabubuting alalahanin ang mga biktimang tulad nila, at labanan ang pang-aapi saan man natin ito makita. Hindi lingid sa Dios ang lahat ng iyan. Mananaig ang Kanyang katarungan.