Walang sinumang namatay ang nagsabing, “Labis kong ikinatuwa ang buhay kong sarili ang sentro, sarili ang pinaglingkuran at sarili lang ang inalagaan.” Sabi iyan ng manunulat na si Parker Palmer sa talumpati niya sa mga nagtapos ng pag-aaral. Hinikayat niya silang “ibahagi ang sarili sa mundo... na may taos pusong pagbibigay.” Pero dinagdag ni Parker na kung mamumuhay tayo nang ganito, malalaman nating “konti lang ang alam natin at ang daling pumalpak at mabigo.” Kung ihahandog natin ang sarili sa paglilingkod sa mundo, kailangan natin ang “pag-iisip ng isang baguhan” na handang “sumuong sa landas ng walang-kaalaman at makipagsapalaran kahit ulit-ulit madapa’t pumalpak – at bumangon muli para matuto.”

Mahahanap lang ang lakas ng loob na mamuhay nang walang takot at may “taos pusong pagbibigay” kung kagandahang-loob ng Dios ang pundasyon ng buhay. Tulad ng paliwanag ni Apostol Pablo kay Timoteo na maaaring “pag-alabin” at gamitin ang kakayahang kaloob ng Dios (2 TIMOTEO 1:6 ᴍʙʙ) kung tatandaan nating kagandahang-loob ng Dios ang nagligtas at tumawag sa atin (TAL. 9). Ang kapangyarihan Niya rin ang nagpapatapang sa atin para hindi tayo mamuhay nang may mahinang loob, kundi nang may “kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili” (TAL. 7). At ‘pag nadapa, kagandahang-loob rin Niya ang nagbabangon sa atin para ipagpatuloy ang paglalakbay upang lumalim sa pag-ibig Niya (TAL. 13-14).