Ilang taon na kaming ‘di nagkikita ng isang matagal ko nang kaibigan. Nalaman niyang may kanser siya at sinimulan niyang magpagamot. Sa isang ‘di-inaasahang pangyayari, nakapunta ako malapit sa lugar nila kaya puwede ulit kaming magkita. Pagpasok ko pa lang sa restawran, pareho na kaming naiyak. Matagal na nang huli kaming nagkasama at ngayong tila nariyan na sa isang sulok ang kamatayan, lalong nangibabaw sa amin na saglit lang ang buhay. Nagmula ang luha namin sa matagal na pagkakaibigang puno ng paglalakbay, kalokohan, tawanan, kawalan—at nag-uumapaw na pagmamahal.

Lumuha rin si Jesus at tumangis. Nakatala sa Magandang Balita ayon kay Apostol Juan ang pangyayaring ito. Tinawag ng mga Israelita si Jesus, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo” (JUAN 11:34). Tumayo si Jesus sa harap ng libingan ng malapit na kaibigang si Lazarus. At dito na natin mababasa ang tatlong salitang nagpapahayag sa atin ng lalim ng pakikibahagi ni Jesus sa ating pagiging tao: “Umiyak si Jesus” (TAL. 35). Marami bang nangyayari noon? Mga bagay na ‘di naitala ni Apostol Juan? Oo. Pero naniniwala akong mahalaga ang tugon ng mga tao doon sa ginawa ni Jesus: “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazarus” (TAL. 36). Sapat na ang mga salitang iyan para huminto tayo at sambahin ang Kaibigang batid ang bawat kahinaan natin. Lumuha si Jesus tulad natin. Siya ang Tagapaglitas na nagmamahal at nakakaintindi sa atin.