Sa paanyaya ng pastor sa dulo ng sama-samang pagsamba sa Dios, nagpunta sa harap si Latriece. Nabigla sila sa mabigat ngunit kamangha-mangha niyang patotoo. Lumipat pala siya galing sa Kentucky kung saan nasawi ang pitong miyembro ng pamilya niya dahil sa matitinding buhawi roon noong Disyembre 2021. “Nakakangiti pa rin ako dahil kasama ko ang Dios,” ang sabi niya. Bugbog man sa pagsubok, matinding pagpapatibay ng loob sa mga humaharap sa pagsubok ang pagpapatotoo niya.

Sa Bibilia naman, pinatungkulan ni Haring David sa Salmo 22 ang paghihirap ni Jesus. Inilarawan ni David ang isang taong bugbog sa pagdurusa’t nakakaramdam na para bang tinalikuran na siya ng Dios (TAL. 1). Kinukutya’t hinahamak din siya ng iba (TAL. 6-8), at napalilibutan ng mga mapanganib na hayop (TAL. 12-13). Nanghihina siya na para bang nauupos na kandila (TAL. 14-18)—pero ‘di siya nawalan ng pag-asa. “Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan. Kayo ang aking kalakasan; magmadali kayo at akoʼy tulungan” (TAL. 19).

Iba man sa hinarap nina Haring David at Latriece, kasing totoo rin noon ang kasalukuyan nating mga pagsubok. Kaya panghawakan natin ang sinasabi sa talata 24 dahil nananatili itong totoo: “Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap. Hindi niya sila tinatalikuran, sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.” At ‘pag naranasan na natin ang tulong ng Dios, ihayag natin ang Kanyang kagandahang-loob para malaman rin ito ng iba (TAL. 22).