Nag-ipon buong taon ang mga mag-aaral sa ikahuling baitang ng isang hayskul sa Oklahoma sa Amerika para sa isang “hindi malilimutang pamamasyal.” Kaya lang, nalaman nila pagdating sa paliparan na marami pala sa kanila ang nakabili ng tiket mula sa isang pekeng kumpanya. “Nakakadurog ng puso,” sabi ng isang pinuno ng paaralan. Pero kahit kinailangan nilang magbago ng plano, pinili nilang sulitin ito. Dalawang araw silang nagsaya sa malalapit na pasyalang nagbigay sa kanila ng tiket bilang donasyon.

Minsan nga nakakadismaya talaga o nakakadurog pa nga ng puso ‘pag nasira at nabago ang mga plano natin. Lalo na kung pinagbuhusan talaga natin ito ng panahon, pera, o damdamin. Sabi sa Biblia, matagal nang “minimithi [ni Haring David] na magtayo” ng isang templo para sa Dios (1 CRONICA 28:2 ᴍʙʙ). Pero sabi ng Dios “hindi [si Haring David] ang magtatayo ng Templo” kundi ang anak niyang si Solomon (TAL. 3, 6). Hindi nalugmok si Haring David. Pinapurihan niya ang Dios sa pagpili sa kanyang maging hari ng Israel, at ibinigay niya “ang mga plano ng gusali ng Templo” kay Solomon na siyang bubuo nito (TAL. 11-13). Pinalakas din niya ang loob ng anak: “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito...ang Panginoong Yahweh...ay kasama mo” (TAL. 20).

‘Pag nasira ang mga plano natin, kahit ano pa man ang dahilan, puwede nating dalhin ang kabiguan natin sa Dios “dahil nagmamalasakit siya sa [atin]” (1 PEDRO 5:7). Tutulungan Niya tayong harapin ang pagkabigo nang may tamang puso.