Ang saklap ng tiyempo. Matapos makaipon ng kaunting yaman mula sa paggawa ng mga tulay, monumento, at malalaking gusali, naisip ni Cesar na magsimula ng bagong negosyo. Kaya ibinenta niya ang unang negosyo. Inihulog muna niya sa bangko ang pera na sana’y gagamiting pangpuhunan. Pero ‘di nagtagal, sinamsam ng gobyerno nila ang lahat ng ari-ariang nasa pribadong bangko. Ang ipon niya, parang bulang naglaho. Pinili niyang ‘wag gawing dahilan upang magreklamo ang ‘di-makatarungang pangyayari. Hiniling niya sa Dios na ituro sa kanya kung ano ang magandang gawin. At nagsimula siyang muli.

Sa talambuhay ni Job sa Biblia, ‘di lang ari-arian ang biglang nawala sa kanya. Nawala rin pati karamihan ng mga alipin at lahat ng anak niya (JOB 1:13-22). Pagkatapos, nawala rin ang kalusugan niya (2:7-8). Walang-kupas na halimbawa para sa atin ang naging tugon niya. Nanalangin siya, “Ipinanganak akong walang dala at mamamatay din akong walang dala. Ang Panginoon ang nagbigay ng lahat ng mayroon ako at ang Panginoon din ang kumuha nito. Purihin ang pangalan ng Panginoon! (1:21). Nagtapos ang kabanata nang ganito, “Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi nagkasala si Job. Hindi niya sinisi ang Dios” (TAL. 22).

Tulad ni Job, pinili ni Cesar na magtiwala sa Dios. Sa loob lang ng ilang taon, lumago nang higit ang bagong negosyo niya. Hawig ng kuwento niya ang pagtatapos ng kay Job (JOB 42). Pero kung ‘di man nakabawi si Cesar, alam niyang wala naman dito sa mundo ang tunay niyang yaman (MATEO 6:19-20). Magtitiwala pa rin siya sa Dios.