Sa larong beep baseball (na para sa mga manlalarong may kapansanan sa mata), pinakikinggan ng mga bulag na manlalaro ang tunog ng bola at base para malaman kung ano ang dapat gawin at saan dapat pumunta. Nasa parehong koponan ang nakapiring na papalo ng bola (may iba’t-ibang uri kasi ng pagkabulag) at ang nakakakitang tagahagis ng bola. ‘Pag natamaan ang tumutunog na bola, tatakbo ang pumalo ayon sa gabay ng tunog ng base. ‘Pag narating niya ang base bago makuha ng kalaban ang bola, makakapagtala siya ng puntos. Pero tanggal (out) naman siya kung hindi. Sabi ng isang manlalaro, pinakagusto niya ang kalayaang nadarama niya habang tumatakbo. Alam kasi niyang klaro ang direksyon at walang anumang hadlang sa daan.
Ayon sa Bibla, pinapatag ng Dios na matuwid ang daan ng taong matuwid (ISAIAS 26:7). Nang sinulat ito, ‘di patag ang daan ng mga Israelita. Nararanasan kasi nila noon ang hatol ng Dios sa ‘di nila pagsunod. Hinikayat sila ni Propeta Isaias na mamuhay nang may pagtitiwala at pagsunod sa Dios. Ito madalas ang mahirap pero patag na daan.
Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, mas nakikilala natin ang Dios at mas tumatatag ang tiwala natin sa katapatan Niya habang sinusunod natin Siya. Kahit ‘di laging patag ang landas na tinatahak natin sa buhay, makakaasa tayong kasama natin ang Dios. Inaayos Niya ang daraanan natin habang nagtitiwala tayo sa Kanya. Mararanasan rin natin ang kalayaan habang tumatakbo tayo nang may pagsunod sa pinakamagandang landas ng Dios para sa atin.