Siguro hindi ako dapat pumayag na samahang tumakbo si Brian. Nasa ibang bansa ako, at hindi ko alam kung saan o gaano kalayo ang pupuntahan namin. Hindi ko rin alam
kung anong klase ang daan. At isa pa, mabilis tumakbo si Brian. Matatapilok ba ako kung pipilitin ko siyang sabayan? Ano pa nga ba ang magagawa ko kundi magtiwala sa kanya dahil alam niya ang daan? Lalo akong kinabahan nung nagsimula na kami. Hindi madali ang daraanan namin. Papasok pa nga kami sa gubat. Hindi patag ang lupa. Mabuti na lang at lagi akong nililingon ni Brian para tingnan kung kumusta ako at balaan kapag kailangan.
Ganito rin siguro ang naramdaman ng mga taong nabanggit sa Biblia nang pumunta sila sa bagong lugar: si Abraham sa Canaan, ang mga Israelita sa disyerto, at ang mga alagad ni Jesus sa misyon nilang ibahagi ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa paglalakbay nila, maliban sa siguradong magiging mahirap ito. Pero may Gabay sila at alam Niya ang daan. Kailangan lang nilang magtiwala na aalagaan sila ng Dios at bibigyan sila ng lakas para makaya ang tatahakin nila. Magagawa nilang sumunod sa Kanya dahil alam Niya kung ano ang nasa hinaharap.
Iyan ang nagpapanatag ng loob ni Haring David nang tumakas siya upang magtagó. Kahit humaharap sa walang kasiguraduhan, sinabi niya sa Dios, “Kapag akoʼy nawawalan na ng pag-asa, kayo ay nariyan na nagbabantay kung ano ang nangyayari sa akin” (SALMO 142:3). May pagkakataong matatakot tayo pero tandaan sana natin: alam ng Dios, na kasama natin, ang daan.