Sa dalawampu’t-pitong taon ng pagtatrabaho ni Kevin Ford sa isang fast-food restaurant, hindi siya kailanman lumiban. Dahil dito, nakatanggap siya ng munting regalo bilang pagkilala sa matapat niyang serbisyo. Lubos naman ang pagpapasalamat niya dito, na hinangaan ng mga nakapanood sa video niya. Kaya naman, libu-libo ang nagtulong-tulong para pagpalain siya. Nakalikom sila ng $250,000 para sa kanya. “Parang isang panaginip, isang magandang panaginip,” tugon ni Kevin.
Nakatanggap din ng hindi inaasahang biyaya ang hari ng Juda na si Jehoyakin. Matapos ang tatlumpu’t-pitong taon niyang pagkabihag, pinakitaan siya ng kabutihan ng hari ng Babilonia. “Pinalaya [ng hari] si Jehoyakin. Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia” (JEREMIAS 52:31-32). Ibinigay ng hari ang lahat ng kailangan ni Jehoyakin. Mula sa bagong posisyon, bagong mga damit, at pati bagong tirahan.
Magandang larawan ito ng mabiyayang pagliligtas sa atin ng Dios. Wala man tayong dala-dala sa paglapit sa Kanya, pero tinatanggap at nililigtas Niya tayo basta’t maniwala lang tayong namatay at muling nabuhay si Jesus. Iniaalis Niya tayo mula sa kadiliman at dinadala sa liwanag. Anupa’t tinatanggap Niya rin tayo bilang mga anak. Iyan ang sukdulang biyaya sa atin ng Dios.