“Kaninang umaga lang, akala ko mayaman ako. Ngayon ni hindi ko alam kung mayroon ako kahit isang kusing." Iyan ang sabi ng dating presidente ng Amerika na si Ulysses S. Grant matapos simutin ng katuwang niya sa negosyo ang ipon niya. Ilang buwan lang matapos ito, nalaman niyang may kanser siya. Sa pag-aalala para sa kinabukasan ng pamilya niya, tinanggap ni Grant ang alok ng manunulat na si Mark Twain na ilathala ang talambuhay niya. Pumanaw si Grant isang linggo matapos maisulat iyon.

Sa Biblia naman, matindi rin ang mga pinagdaanan ni Jacob. Inakala niyang “pinatay ng mabangis na hayop” ang anak niyang si Jose (GENESIS 37:33). Pagkatapos, napiit naman ang anak niyang si Simeon sa isang malayong bayan. Sa takot ni Jacob na ganoon din ang sapitin ng anak na si Benjamin, naibulalas niyang “lahat ng bagay na ito ay laban sa akin” (42:36 ᴀʙᴀʙ). Pero hindi ito totoo. Buhay ang anak niyang si Jose, at kumikilos ang Dios sa likod ng kuwento ng pamilya niya. Mula dito, matututunan nating mapagkakatiwalaan natin ang Dios kahit hindi natin nakikitang kumikilos ang kamay Niya sa ating mga buhay.

Balikan natin si Grant. Pumatok ang talambuhay niya at hindi naghikahos ang pamilya niya. Hindi man niya ito nakita, pero nakita ito ng asawa niya. Kaya limitado man ang nakikita natin, makatitiyak tayong nakikita ng Dios ang lahat. Magtiwala tayo sa Kanya dahil kung “panig sa atin ang Dios...walang magtatagumpay laban sa atin” (ROMA 8:31).