Ilang buwan matapos makunan si Valerie, nagdesisyon siyang ibenta ang mga gamit na para sana sa sanggol niya. Binili naman ng kapitbahay niyang si Gerald ang crib. Pero nang malaman ni Gerald mula sa asawa niya ang kuwento ni Valerie, naisip niyang gawing regalo para kay Valerie ang nabiling crib. Dahil karpintero si Gerald, gumawa siya ng magandang bangko mula sa crib at ibinigay ito kay Valerie. “Patunay ito na may mabubuting tao pa rin sa mundo,” sabi ni Valerie.
Nawalan din ng mga mahal sa buhay sina Ruth at Naomi. Pumanaw ang asawa at dalawang anak na lalaki ni Naomi. Dahil dito, wala nang magtutustos ng mga pangangailangan nila (RUTH 1:1-5). Mabuti na lang at tinulungan sila ni Boaz. Namumulot noon si Ruth ng mga nahulog na ani mula sa bukid ni Boaz. Nang malaman ni Boaz ang kuwento ni Ruth, binigyan niya ito ng pabor. Hindi ito mapaniwalaan ni Ruth, “Bakit napakabuti n’yo po sa akin gayong isang dayuhan lang ako?” (TAL. 10). Sagot ni Boaz, “May nagkuwento sa akin ng lahat ng ginawa mo para sa biyenan mong babae mula pa noong namatay ang asawa mo” (TAL. 11). Kinalaunan, pinakasalan ni Boaz si Ruth (KAB. 4). Bunga nito, ipinanganak mula sa linya nila ang ninuno ni David, pati ni Jesus.
Ginamit ng Dios sina Gerald at Boaz para gumawa ng magandang kuwento mula sa malungkot na kaganapan sa buhay nina Valerie at Ruth. Gamitin din nawa tayo ng Dios upang maging pagpapala sa ating kapwa.