Natatandaan ko pa ang panalangin ng pagtatalagang ginawa namin. Libu-libong estudyante kami noon sa isang convention center. Nang patayuin ang mga handang mag- misyon sa ibang bansa, naramdaman kong tumayo ang kaibigan kong si Lynette. Pero hindi ako tumayo. Hindi ko kasi nadamang tinatawag ako ng Dios sa ganoong misyon. Hayag kasi sa akin ang kalagayan ng bansa ko, at nadama kong doon ako tinatawag ng Dios. Pero pagkalipas ng isang dekada, nakita ko na lang sarili ko sa bansang Britain. Dito pala ako tinawag ng Dios para maglingkod. Malayong-malayo ito sa inisip kong buhay.
Madalas, sinosorpresa ni Jesus ang mga tinatawag Niya. Ganoon ang nangyari sa mga disipulo. Mula sa pagiging mangingisda, tinawag ni Jesus sina Pedro at Andres na maging mangingisda ng mga tao. Iniwan naman nila “agad” ang mga lambat nila (MATEO 4:20). Gayundin ang ginawa nina Santiago at Juan (TAL. 22). Hindi man nila alam saan patungo si Jesus, agad nilang iniwan ang lahat para sumunod sa Kanya.
May mga pagkakataon din naman na tinatawag tayo ng Dios sa lugar kung nasaan tayo. Malayo man o malapit, saan man tayo tawagin ng Dios, makasisiguro tayong may mga nakasosorpresang karanasan Siyang inihanda para sa atin.