Tinuruan ng kaibigan kong si Michelle ang anak ko kung paano mangabayo. Nang ipakita niya paano rendahan ang kabayo, ipinaliwanag din niya gaano kahalaga ang renda. Ginagamit daw ito para kontrolin ang bilis at direksyon ng kabayo. Doon ko nakita kung gaano kaimportante ang renda kahit maliit lang ito.

Gayundin naman ang dila. Bagama’t maliit ito, malaki ang impluwensiya ng dila dahil dito nagmumula ang ating mga salita (SANTIAGO 3:3, 5). Puwedeng maging mabuti o masama ang mga salita natin. “Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa” (TAL. 9). Sinasabi sa Biblia na mahirap kontrolin ang salita natin. Bumubukal kasi ito mula sa ating puso (LUCAS 6:45). Mabuti na lang at nariyan ang Banal na Espiritu na nananahan sa atin. Sa tulong Niya, nakakapamuhay tayo nang may pagtitiis, kabutihan, at pagpipigil sa sarili (GALACIA 5:22-23). Kung tutugon tayo sa Kanya, mababago ang puso natin, pati na rin ang mga salita natin. Mapapalitan ng pagpupuri ang pagrereklamo. Matututunan nating magsabi ng katotohanan at hindi ng kasinungalingan. At sa halip na paninira, lalabas ang mga salitang nakapagpapalakas ng loob mula sa ating mga labi.

Higit sa pagsasabi ng mga tamang salita, mas mahalagang tanggapin natin ang pagtatama ng Banal na Espiritu. Tanging sa tulong Niya magiging pagpapala ang ating mga salita.