Pumasok ang isang terorista sa isang pamilihan isang araw bago ang Linggo ng Pagkabuhay noong 2018. Pumatay siya ng dalawa, habang ginawa naman niyang hostage o bihag ang isang babae. Nakipagnegosasyon ang mga pulis, ngunit ayaw pakawalan ng terorista ang babae. Hanggang sa sinabi ng isang pulis na siya na lang ang gawing bihag, huwag na ang babae.
Taliwas sa karunungan ng mundo ang ginawa ng pulis. Mas sikat kasi sa kultura natin ang mga payong tulad ng ‘Mahalin mo ang sarili mo higit kanino man’ o kaya naman ‘Gawin mo ang dapat mong gawin para sa sarili mo’. Kung ito ang pinakinggan ng pulis, tiyak na hindi niya ibinigay ang sarili niya bilang bihag.
Ayon sa apostol na si Santiago, may dalawang uri ng karunungan. May karunungang mula sa mundo at karunungang mula sa Dios. Kapag umiiral ang karunungan ng mundo, nariyan ang pagkamakasarili at kaguluhan (SANTIAGO 3:14-16). Kapag naman karunungan ng Dios ang umiiral, kapakumbabaan at kapayapaan ang magiging bunga (TAL. 13, 17-18). Inuuna kasi ng karunungang mula sa mundo ang sarili. Samantala, inuuna naman ng karunungang mula sa Dios ang iba (TAL. 13).
Pumayag ang terorista sa alok ng pulis. Pinakawalan niya ang babae at binaril ang pulis. Nang araw na iyon, nasaksihan ng mundo ang pag-aalay ng isang tao ng kanyang buhay para sa kanyang kapwa. Ikaw? Kaninong karunungan ang susundin mo?