Nagulat ang libu-libong mga tumatakas mula sa giyera sa Ukraine nang dumating sila sa Berlin. Sinalubong kasi sila ng mga taga-roon nang buong pagtanggap. May mga karatula pa silang nakasulat na “Kasya ang dalawa sa amin” at “Marami ang puwedeng makituloy sa amin.” Tinanong ang isang taga-Berlin kung bakit binuksan niya ang tahanan niya sa mga estranghero. Paliwanag niya, naranasan kasi ng kanyang ina ang maging dayuhan habang tumatakas mula sa mga Nazi.

Sa Deuteronomio, inudyukan ng Dios ang mga Israelita na mahalin ang mga dayuhan. Una, dahil bahagi ng karakter ng Dios ang ipagtanggol ang mga ulila, biyuda, at dayuhan (10:18). Ikalawa, “dahil mga dayuhan din [sila] noon sa Egipto” (TAL. 19). Nais ng Dios na magmalasakit sila sa mga mahihina at inaapi.

Ngunit hindi lang ang tumatanggap ang binibiyayaan. Nang tulungan ng biyuda sa Zarefat ang dayuhang si Elias, nakatanggap din siya ng pagpapala (1 HARI 17:9-24). Ganoon din ang naranasan ni Abraham nang pagpalain siya ng tatlong dayuhang pinatuloy niya (GENESIS 18:1-15).

Hindi madali ang ginawa ng mga taga-Berlin na magpatuloy ng mga estranghero sa kanilang tahanan. Pero marahil, sila ang mga tunay na pinagpala ng Dios. Kaya tumugon din tayo sa pangangailangan ng ating kapwa, lalo na ng mga mahihina. Kung gagawin natin ito, maaari tayong magulat sa mga biyayang ibibigay sa atin ng Dios sa pamamagitan nila.