Nagbigay ng hula ang sportswriter na si Hugh Fullerton tungkol sa 1906 World Series ng larong baseball. Inaasahan noon ng marami na mananalo ang Chicago Cubs. Pero ayon kay Fullerton, matatalo sila sa una at ikatlong laro. Uulan rin daw sa ikaapat na laro. Nagkatotoo lahat ng ito. Noong 1919 naman, sinabi niyang may mga manlalaro na sadyang nagpapatalo. Hinala niya, binayaran ang mga ito. Taliwas man sa marami, pero sa huli, tama siya. Hindi propeta si Fullerton. Alam lang niyang suriin ang mga nagaganap sa paligid niya.
Sa kabilang banda, totoong propeta si Jeremias, at nagkatotoo lahat ng mga inihula niya. Sinabihan niya ang mga taga- Juda na magpasakop sa hari ng Babilonia para mabuhay sila (JEREMIAS 27:2, 12). Pero kinontra siya ng huwad na propetang si Hanania (28:2-4). Sinira rin ni Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias (TAL. 10). Sinagot naman siya ni Jeremias, “Hindi ka sinugo ng Panginoon” (TAL. 15). Dagdag pa niya, “Mamamatay ka sa taon ding ito” (TAL. 16). Namatay nga si Hanania matapos ang dalawang buwan (TAL. 17).
Sinasabi sa Bagong Tipan na “Noong una, nangusap ang Dios sa mga ninuno natin...sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, sa pamamagitan ng kanyang Anak” (HEBREO 12:1-2). Sa pamamagitan ni Jesus, sa pagbubulay natin ng Biblia, at sa paggabay ng Banal na Espiritu, nagsasalita pa rin sa atin ang Dios hanggang ngayon.