Noong 2014, kumuha ang ilang biologist ng dalawang kulay kahel na pygmy seahorse mula sa Pilipinas. Kumuha rin sila ng mga kulay kahel na coral. Dito kasi nakatira ang mga seahorse. Dinala nila ang mga ito sa California Academy of Sciences sa San Francisco. Gusto kasi nilang malaman kung alin ang gagayahin ng mga batang seahorse: ang kulay ng magulang nila o ang kulay ng paligid nila. Nanganak na nga ang kahel na seahorse. Kayumanggi ang kulay ng mga batang seahorse. At nang maglagay ang mga scientist ng kulay lila na coral sa tangke, naging kulay lila rin ang mga batang seahorse. Imbes na gayahin ang kulay ng kanilang magulang, ginaya nila ang kulay ng paligid nila. Ito kasi ang paraan nila para makaligtas mula sa mga mababangis na hayop.
Binigyan ng Dios ng ganoong kakayahan ang pygmy seahorse para makaiwas sa kapahamakan. Pero kabaligtaran noon ang inaasahan Niya mula sa ating mga nagtitiwala sa Kanya. Gusto ng Dios na maging iba tayo mula sa mundo. Sa sulat ni Apostol Pablo, hinihikayat niya tayong sambahin ang Dios sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating mga sarili bilang “mga handog na buhay” (ROMA 12:1). Ngunit mahina at makasalanan tayo, kaya kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu upang “baguhin” ang ating isip at tulungan tayong huwag tularan “ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito” (TAL. 2).
Nangangahulugan ang pagtulad sa mundo ng paglaban sa Salita ng Dios. Pero sa tulong ng Banal na Espiritu, magagawa nating tularan si Jesus at maging kagaya Niya.