Kailangang sumailalim sa isang paunang test ni Ann. Sabi sa kanya ng doktor, “May mga tanong ka ba?” Sagot naman niya, “Oo. Dumalo ka ba sa simbahan noong Linggo?” Matagal nang magkakila sina Ann at ang doktor, at ginamit ni Ann ang pagkakataong iyon para mapag-usapan nila si Jesus. Noong bata kasi ang doktor, nagkaroon siya ng hindi magandang karanasan sa simbahan. Mula noon, hindi na siya dumalo. Pero dahil sa tanong ni Ann at sa naging pag-uusap nila, binuksan muli ng doktor ang puso niya para kay Jesus.
Minsan, takot tayong magbahagi ng pananampalataya natin. Umiiwas kasi tayo sa pagsasalungatan. O kaya naman, ayaw nating magmukhang namimilit. Pero may magandang paraan upang ibahagi si Jesus sa iba: sa pamamagitan ng pagtatanong.
Makikita nating kahit na Dios si Jesus at alam Niya ang lahat, madalas Siyang magtanong. Tinanong Niya ang disipulong si Andres, “Ano ang kailangan ninyo?” Tinanong din niya ang bulag na si Bartimaeus, “Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?” (MARCOS 10:51; LUCAS 18:41). Gayundin sa lalaking paralitiko, “Gusto mo bang gumaling?” (JUAN 5:6). At sa bawat pagkakataon, nabago ang buhay nila pagkatapos silang tanungin ni Jesus.
Mayroon ka bang nais kausapin upang ibahagi ang iyong pananampalataya? Hilingin mo sa Dios na bigyan ka Niya ng mga tamang tanong.