Sinimulan ng alagad ng sining na si Kirstie Macleod ang The Red Dress Project. Sa loob ng labintatlong taon, walumpu’t apat na piraso ng pulang tela ang umikot sa iba’t ibang bahagi ng mundo upang maburdahan ng higit tatlong daang mga babae (at ilang lalaki). Pagkatapos, pinagsama-sama ang mga pulang telang ito para buuin ang isang bestida. Mga nasa laylayan ng lipunan ang karamihan sa mga nagburda. Dahil sa pulang bestida, nabigyan sila ng tinig at naibahagi nila ang kanilang kuwento.

Tulad ng pulang bestida, nagtulong-tulong ang maraming “mahuhusay na mananahi” para mabuo ang damit pampari nina Aaron at kanyang mga anak (EXODUS 28:3). Makikita rin sa damit ng mga pari ang kuwento ng bayan ng Israel. Itinagubilin kasi ng Dios na ikabit sa damit ang “alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel” (TAL. 12). Pinagawan din sila ng “mga damit-panloob, mga sinturon, at mga turban para sa...ikararangal nila” (TAL. 40).

Bilang mga nagtitiwala kay Jesus, nagsisilbi tayong lahat bilang “mga banal na pari” na nagpapahayag ng mga kahanga-hanga Niyang gawa (1 PEDRO 2:4-5, 9). Si Jesus naman ang ating “dakilang punong pari” (HEBREO 4:14). Wala man tayong damit na tulad kina Aaron na magpapakilala sa atin bilang mga pari, tutulungan naman tayo ni Jesus na “magbihis...ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan” (COLOSAS 3:12).