Lumaki si Sean na walang ideya kung ano ang isang pamilya. Maaga kasing namatay ang kanyang ina. Madalas namang wala sa bahay ang kanyang ama. Kaya pakiramdam niya, mag- isa siya sa buhay. Mabuti na lang, inampon siya ng mag-asawang kapitbahay nila. Naging kuya at ate rin ni Sean ang mga anak nila. Dahil sa kanila, naramdaman ni Sean na may nagmamahal sa kanya. Hindi lang iyon. Isinama din nila si Sean sa simbahan. Ngayon, isa nang lider ng mga kabataan si Sean.

Malaki ang naging bahagi ng mag-asawa upang mabago ang buhay ni Sean. Pero kakaunti lang ang nakakaalam ng kabutihang ginawa nila. Ngunit alam ito ng Dios. At naniniwala akong balang araw, gagantimpalaan sila ng Dios dahil dito. Sa Hebreo 11 kasi, mababasa natin ang mahabang listahan ng mga matapat na nanampalataya sa Dios. Bagama’t nagsimula ang listahan sa mga kilalang pangalan sa Biblia, makikita natin sa bandang dulo ang maraming mga hindi pinangalanan ngunit “kinalugdan...ng Dios dahil sa pananampalataya nila” (TAL. 39). Sabi pa ng sumulat, “Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila” (TAL. 38).

Hindi man mapansin ng iba ang mga mabubuti nating ginagawa, nakikita at nalalaman naman itong lahat ng Dios. Kaya Niyang gamitin para sa Kanyang kapurihan kahit ang pinakamaliit na akto ng kabutihan gaya ng simpleng pagbati o panalangin. Walang nakalalampas sa Kanya.