Ipinaliwanag ng sikat na alagad ng sining na si Makoto Fujimura sa kanyang aklat na Art + Faith: A Theology of Making ang konsepto ng Kintsugi. Isa itong uri ng sining sa bansang Japan. Pinagdidikit-dikit ang mga basag na bahagi ng isang palayok at nilalagyan ng ginto ang mga pagitan nito. Paliwanag ni Fujimara, “Hindi lang binubuo ng Kintsugi ang isang basag na palayok. Sa pamamagitan ng Kintsugi, mas nagiging maganda pa ang nasirang palayok kaysa sa orihinal nitong itsura.”
Maaaring ihalintulad dito ang gagawing pagsasaayos ng Dios sa mundo na inilarawan ng propetang si Isaias. Maituturing na wasak ang bawat isa sa atin dahil sa pagtalikod natin sa Dios. Pero ipinangako Niyang gagawa Siya ng “bagong langit at bagong lupa” (65:17). Hindi lang aayusin ng Dios ang mundo, kundi gagawa Siya ng bagong mundo. Bubuuin Niya ang mga wasak nating buhay at dadalhin tayo sa isang bago at maningning na mundo. Sa sobrang ganda nito, makakalimutan na ang mga “nagdaang hirap” at ang “dating langit at lupa ay kakalimutan na” (TAL. 16-17). Sa bagong mundong gagawin Niya, hindi na kailangan pang takpan ng Dios ang mga kasalanan natin. Sa halip, gagawin Niyang maganda ang lahat ng pangit at bubuhayin ang lahat ng patay.
Kaya huwag tayong tumangis. Sa kabila ng ating mga wasak na buhay, makaaasa tayong may ginagawang maganda at bagong mundo ang Dios.