Parehong kalahok sa karerang Daytona 500 ang mag-amang sina Dale Earnhardt Sr. at Dale Earnhardt Jr. Kaya lang, bumangga ang sasakyan ng nakatatandang Earnhardt na nagdulot ng kanyang pagkamatay. Nang malaman ng anak niya ang nangyari, hindi niya maipaliwanag ang naramdaman niya. Sabi niya, “Narinig ko na lang ang sarili kong sumisigaw. Lumabas mula sa akin ang isang palahaw ng pagkagulat, pagtangis, at takot.” Nabalot siya ng kakaibang pangungulila: “Mag-isa na lang akong mangangarera.” Paliwanag pa niya, “Parang kodigo ko sa pangangarera ang tatay ko. Alam niya kasi ang lahat ng sagot.”

Gayundin naman, nakaasa ang mga disipulo kay Jesus para sa mga sagot sa tanong nila. Kaya bago ipako sa krus si Jesus, tiniyak Niya sa mga disipulo na hindi Niya sila iiwan. “Hihilingin ko sa Ama na bigyan niya kayo ng isang Tagatulong na sasainyo magpakailanman. Siya ang Banal na Espiritu na tagapagturo ng katotohanan” (JUAN 14:16-17).

Pero hindi lang ito para sa mga disipulo, kundi para sa lahat ng magtitiwala sa Kanya: “Ang nagmamahal sa akin ay susunod sa aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama at mananahan kami sa kanya” (TAL. 23).

Kung susundin natin si Jesus, pananahanan tayo ng Banal na Espiritu, na Siyang magtuturo sa atin ng “lahat ng bagay” at magpapaalala sa atin ng mga katuruan ni Jesus (TAL. 26). Kaya hindi man natin alam ang lahat ng sagot, nasa atin naman ang Banal na Espiritu na nakaaalam ng lahat.