Hindi talaga gumagawa ng mga upuan si James Warren. Pero minsan, nakita niyang nakasalampak sa sahig ang isang babae habang naghihintay ng bus sa Denver. Dahil dito, naghanap siya ng mga retasong kahoy at bumuo ng upuan. Nilagay niya ito doon sa bus stop, na agad ginamit ng mga tao. Napansin din ni Warren na marami sa siyam na libong bus stop sa Denver ang walang upuan. Kaya gumawa pa siya ng maraming upuan. Sinulatan din niya ng “Maging Mabuti” ang mga ito. Gusto kasi niyang “gawing mas magaan ang buhay ng iba, kahit sa maliit na paraan.”
“Kahabagan” ang tamang salitang maglalarawan sa ginawa ni Warren. Batay kasi sa halimbawa ni Jesus, tumutukoy ang kahabagan sa matinding damdaming nag-uudyok para abutin ang pangangailangan ng iba. Nang sundan si Jesus ng napakaraming tao, “nahabag siya sa kanila, sapagkat sila’y tulad sa mga tupa na walang pastol” (MARCOS 6:34). Sa Kanyang kahabagan, umaksyon si Jesus at pinagaling ang lahat ng may sakit (MATEO 14:14).
Gayundin naman, pinaaalalahanan tayo ni Apostol Pablo na “magbihis [tayo] ng kahabagan” (COLOSAS 3:12). May gantimpala din naman ang kahabagan. Ayon kay Warren, “Masarap sa pakiramdam ang tumulong. Pinupuno ako nito ng buhay.”
Hindi nauubos ang mga pangangailangang puwede nating tugunan. Sa tulong ng Dios, makita nawa natin ang mga ito. At habang tinutugunan natin ang mga pangangailangan ng iba, maipapakita rin natin sa kanila ang pag-ibig ng Dios.