Noong bata ako, nakaranas ako at iba pang mga bata ng pambu-bully sa eskuwelahan. Hindi kami halos lumaban. Bantulot na nga kami sa takot, kinukutya pa kami at sinasabihan ng “Natatakot ka ba? Takot ka sa ‘kin, ano? Walang magliligtas sa ‘yo dito.”
Sa totoo lang, madalas akong takot na takot noon. At bakit hindi? Alam ko ang sakit nang mabugbog, at ayokong maranasan iyon ulit. Bukod doon, walong taong gulang lang ako, at mas matanda, mas malaki, at mas malakas ang nambu-bully sa akin. Hindi ko alam kung ano ang dapat gawin at kung kanino dapat magtiwala.
Pero iba ang salmista. Hindi siya natakot sa gitna ng panganib. Sa halip, punong puno siya ng pagtitiwala. Alam kasi niyang hindi siya mag-isa sa pagharap sa mga banta laban sa kanya. “Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?” (SALMO 118:6). Wala akong ganoong lakas ng loob noong bata ako. Pero ngayong matanda na ako, nauunawaan ko kung saan nanggagaling ang salmista. Sa maraming taon ng paglakad ko kasama si Jesus, alam ko nang higit na mas malaki at mas makapangyarihan si Jesus kaysa sa anumang panganib.
Totoo ang mga panganib na kinakaharap natin sa buhay. Pero hindi tayo dapat matakot. Kasama natin ang Manlilikha ng sangkalawakan. Higit pa Siya sa sapat.