Nagpunta sa ibang bansa si Natalia dahil pinangakuan siya na makakapag-aral siya doon. Pero inabuso at pinagsamantalahan siya sa tahanang kumupkop sa kanya. Sapilitan siyang pinag-alaga ng mga bata nang walang bayad. Bawal din siyang lumabas ng bahay o gumamit ng telepono. Ginawang alipin doon si Natalia.
Naranasan din ni Hagar na maging alipin. Ni hindi siya tinawag sa pangalan nina Abram at Hagar. Sa halip, “alipin ko” o “alipin mo” (GENESIS 16:2, 5-6) ang tawag nila sa kanya. Ginamit lamang nila si Hagar para magkaroon ng tagapagmana.
Ibang-iba ang Dios. Unang beses nagpakita sa Biblia ang anghel ng Dios para kausapin si Hagar. Buntis noon si Hagar at nasa ilang. Maaaring mensahero ng Dios o Dios mismo ang anghel. Pero para kay Hagar, ang Dios mismo ang nagpakita sa kanya. “Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya” (TAL. 13). Kung tama si Hagar, maaaring ang Dios Anak ito, na Siyang “larawan ng di-nakikitang Dios” (COLOSAS 1:15). At di tulad nina Abram, tinawag ng Dios si Hagar sa kanyang pangalan. “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?” (GENESIS 16:8).
Nakita at tinawag ng Dios si Hagar sa kanyang pangalan. Nakita rin ng Dios si Natalia at nagpadala Siya ng mga taong tutulong sa kanya. Nag-aaral na ngayon si Natalia para maging isang nars. Nakikita ka rin ng Dios. Maaaring nababalewala o naaabuso ka ng iba, pero hindi ng Dios. Tinatawag ka Niya sa pangalan mo. Lumapit ka sa Kanya.