Sa huling araw namin sa Wisconsin, isinama ng kaibigan ko ang apat na taong gulang niyang anak na si Kinslee para makapagpaalam. “Ayaw kong umalis kayo,” sabi ni Kinslee. Niyakap ko siya at ibinigay ang isang pamaypay ko. “Sa tuwing mami-miss mo ako, gamitin mo ito at tandaan mong mahal kita.” Tinanong niya kung puwedeng iyong mas simpleng pamaypay na lang ang sa kanya. Sabi ko, “Sira iyon. Gusto kong ibigay sa iyo ang pinakamagandang pamaypay ko.” Kahit paborito ko iyon, hindi ako nagsisi dahil mas masaya akong makita siyang masaya. Pero patuloy na inisip ni Kinslee na sira ang pamaypay na naiwan sakin. Kaya pinadalhan nila ako ng isang bago at magarbong pamaypay. Matapos niyang magbigay, naging masaya ang pakiramdam ni Kinslee. Gayun din naman ako.
Pinahahalagahan ng mundo ang pansariling kapakanan. Kung pakikinggan natin ito, matutukso tayong magkamkam ng yaman sa halip na magbigay sa iba. Pero sa Biblia, “ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman” (KAWIKAAN 11:24). Para sa mundo, mayaman ang kumukuha nang kumukuha. Pero sa Biblia, “ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan” (TAL. 25).
Laging nariyan ang hindi nauubos na pag-ibig at biyaya ng Dios para sa atin. Kaya naman, kakayanin nating magkaroon ng mapagbigay na puso dahil alam nating nariyan ang Dios na Siyang nagbibigay ng lahat ng mabubuting bagay, at hindi Siya napapagod na ibigay ang ating mga pangangailangan.