Kung mga pelikula sa Hollywood ang pagbabatayan natin, magarbo ang mga secret agent at nagmamaneho sila ng mga mamahaling sasakyan. Pero ayon kay Jonna Mendez, isang dating pinuno ng Central Intelligence Agency (CIA), kabaligtaran noon ang tunay na buhay ng isang secret agent. Dapat kasi, simple lang sila, hindi pansinin, at madaling makalimutan.

Sa Biblia, nag-espiya ang dalawang taga-Israel sa Jerico. At para makapagtago sila mula sa mga sundalo ng hari, tinulungan sila ni Rahab (JOSUE 2:4). Walang sinuman ang makaiisip na puwedeng gamitin ng Dios si Rahab. Una, galing siyang Canaan. Ikalawa, babae siya. At ikatlo, isa siyang babaeng bayaran. Pero naniwala siya sa Dios: “Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa” (TAL. 11). Itinago niya ang dalawang espiya at tinulungan silang makatakas. At dahil nanampalataya siya sa Dios, “Iniligtas nga ni Josue si Rahab at ang sambahayan niya” (6:25).

Maaaring pakiramdam natin hindi tayo magagamit ng Dios. Marahil dahil sa mga limitasyon natin, o dahil iniisip nating ordinaryo lang tayo. Puwedeng napipigilan din tayo ng madilim nating nakaraan. Pero puno ang kasaysayan ng mga simpleng taong gaya ni Rahab na binigyan ng Dios ng mahalagang misyon. Kaya magtiwala tayong may pagkatawag sa atin ang Dios, gaano man tayo kaliit o kasimple.