Ilang linggo matapos pumanaw ang isang kaibigan, nakausap ko ang kanyang ina. Alumpihit akong magtanong ng, “Kumusta ka na?” Baka hindi tamang tanong; nagluluksa kasi siya. Pero nilabanan ko ang aking kaba at kinumusta siya. Ito ang kanyang simpleng sagot: “Pinipili kong maging masaya.”

Hindi ko akalaing ako pa ang mapapatatag ng kanyang mga salita. Dahil nang panahong iyon, may sarili rin akong laban. At dahil sa usapang iyon, naalala ko ang sinabi ni Moises sa mga Israelita noong nalalapit na ang kanyang kamatayan at abot- tanaw na nila ang Lupang Pangako: “...kung alin dito ang pipiliin ninyo: buhay o kamatayan, pagpapala o sumpa. Piliin sana ninyo ang buhay” (DEUTERONOMIO 30:19). Maaari silang sumunod sa Dios at managana, o talikdan ang Kanyang mga utos at magdanas ng “kamatayan o kahirapan” (TAL. 15).

Gaya nila, nasa atin din ang pagpapasya. Maaari nating piliing maging masaya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga pangako ng Dios sa ating mga buhay. O maaari rin nating ituon ang ating atensyon sa mga negatibong bagay at paghihirap natin sa buhay, hanggang sa nakawin na ng mga ito ang galak sa ating puso. Madalas, mas mahirap piliing maging positibo lalo na kung nasa gitna tayo ng problema. Subalit sa tulong ng Banal na Espiritu, kakayanin nating piliing maging masaya. Dahil alam nating “sa lahat ng bagay, gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa Kanya” (ROMA 8:28).