Ipinakita ko sa mga estudyante ko sa Sunday School ang litrato ng mga taong natutulog sa karton sa isang madilim na eskinita. “Ano ang kailangan nila?” “Pagkain,” sabi ng isa. “Pera,” sagot ng isa. “Isang ligtas na lugar,” sabi ng isa pa. Pagkatapos, isang batang babae ang nagsalita: “Pag-asa.”
Paliwanag niya, “pag-asa ang paniniwalang may magandang mangyayari.” Natuwa ako sa sinabi niyang “paniniwala” lalo na’t mahirap makita ang “magandang mangyayari” sa harap ng mga pagsubok. Sinabi naman sa Biblia, “Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita” (HEBREO 11:1).
Ano ba ang pinakamagandang bagay na maaari nating asahan bilang mga nagtitiwala kay Cristo? Ang pangakong “makakamtan natin ang kapahingahang mula sa Kanya” (4:1). Para sa mga nagtitiwala kay Jesus, nakapaloob sa kapahingahang ibinibigay ng Dios ang Kanyang kapayapaan, katiyakan ng kaligtasan, pagtitiwala sa Kanyang lakas, at kasiguruhan ng isang hinaharap na tahanan sa langit. Ang katiyakang ililigtas ng Dios mula sa kaparusahan ng kasalanan ang lahat ng magtitiwala kay Jesus ang dahilan kung bakit maituturing nating angkla ang ating pag-asa (6:18-20). Tunay ngang kailangan ng mundo ang pag-asa. Maipagkakatiwala natin sa Dios ang bawat nangyayari sa ating buhay, mabuti man o masama. Tinitiyak ng Dios na kikilos Siya at hindi Niya bibiguin o pababayaan ang mga nagtitiwala sa Kanya. Kung magtitiwala tayo sa Kanya, alam nating itatama Niya ang lahat sa tamang oras.