Nagsimula ang umaga ko na parang isang karera. Paggising ko, agad akong sumabak sa mga gawain. Dalhin ang mga bata sa eskuwela. Tsek. Pumunta sa trabaho. Tsek. Tuloy- tuloy kong tinapos ang bawat nakasulat sa listahan ko.

“...13. Mag-edit ng artikulo. 14. Maglinis ng opisina. 15. Magplano kasama ang aking grupo. 16. Sumulat ng tech blog. 17. Maglinis ng basement. 18. Magdasal.”

Sa panglabingwalo ko pa naalalang kailangan ko ang tulong ng Dios. Nakarating na ako sa puntong iyon bago ko pa napagtantong sinusubukan kong umaasa sa sariling kakayahan at harapin ang lahat nang mag-isa.

Nalalaman ni Jesus ang nangyayari sa atin. Alam Niya na maaaring maging sunod-sunod ang mga dapat nating kaharaping mga pagsubok. Kaya, sinabi ni Jesus, “Unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at ang pagsunod sa Kanyang kalooban, at ibibigay Niya ang lahat ng pangangailangan ninyo” (MATEO 6:33).

Maaaring naipaparating sa atin iyon bilang isang utos ni Jesus. At tama naman iyon. Pero higit pa roon ang nais ni Jesus. Nais Niya tayong hikayatin na unahin Siya sa ating buhay. Sa Mateo 6, iniimbitahan tayo ni Jesus na magtiwala lamang sa Kanya at alisin sa ating buhay ang anumang pagkabalisang dulot ng mundong ito (TAL. 25–32). Sa biyaya ng Dios, tinutulungan Niya tayo araw-araw. Kahit pa nga natapos na nating gawin ang lahat bago pa tayo humingi ng tulong sa Kanya. Gayon pa man, nais Niya na unahin natin Siya sa lahat ng pagkakataon.