Nagkaroon ng impeksyon sa mata ang alaga kong pusang si Mickey. Kaya kinailangan kong patakan ng gamot ang mga mata niya. Kita ko ang takot sa mga mata niya habang inaabangan ang pagpatak ko ng gamot. Pero hindi niya ako kailanman inangilan o kinalmot. Kahit hindi niya nauunawaang ikagagaling niya ang mahapding pamatak, nagtiwala siya sa akin.

Sa Biblia naman, mababasa natin ang halimbawa ni David. Bago pa man niya isulat ang Salmo 9, marami na siyang naging karanasan ng katapatan at pagmamahal ng Dios. Sa panahong tinutugis siya ng mga kaaway niya, tumakbo siya sa Dios at iniligtas siya ng Dios (TAL. 3-6). Gayundin naman, hindi siya pinabayaan ng Dios sa panahon ng kakapusan. Dahil sa mga karanasang ito, nakilala ni David kung sino ang Dios: makapangyarihan, matuwid, mapagmahal, at matapat. Kaya naman, nagtiwala si David sa Dios. Alam niyang mapagkakatiwalaan ang Dios.

Payat na kuting na pagala-gala noon sa kalye si Mickey nang mapulot ko siya. Simula noon, inalagaan ko na siya at tinulungang gumaling sa iba’t ibang mga sakit. Kaya, alam niyang puwede niya akong pagtiwalaan, kahit pa hindi niya naiintindihan. Gayundin naman, sa mga panahong hindi natin nauunawaan ang plano ng Dios, makatutulong kung aalalahanin natin kung paano Siya naging mabuti at matapat sa atin. Tulungan nawa tayo ng Dios upang patuloy na magtiwala sa Kanya sa mabibigat at mahihirap na sitwasyon natin sa buhay.