Relihiyoso ang pamilya ni Ronin. Pero hindi sila nagtitiwala kay Jesus. Walang buhay at madalas pang-akademiko ang mga usapan nila tungkol sa mga bagay na espirituwal. Sabi niya, “Ulit ulit kong inuusal ang mga dasal, pero hindi ko naririnig ang tugon ng Dios.”

Sinimulan niyang aralin ang Biblia. Unti-unti, nagtiwala siya kay Jesus bilang Tagapagligtas. At isang araw, nasabi niya, “Malinaw kong narinig sa puso ko ang tinig na nagsabing, ‘Sapat na ang narinig at nakita mo. Panahon na para maniwala.’” Pero may problema. Hindi ito nagustuhan ng tatay niya.

Noong narito si Jesus sa mundo, maraming mga tao ang sumasama sa Kanya (LUCAS 14:25). Hindi natin alam kung ano talaga ang hinahanap nila mula sa Kanya. Pero kung si Jesus ang tatanungin, naghahanap Siya ng mga alagad. Ngunit hindi ito basta basta. Sabi Niya, “Ang sinumang nais sumunod sa Akin, pero mas mahalaga sa kanya ang kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging ang kanyang sarili ay hindi maaaring maging tagasunod Ko” (TAL. 26). Sabi Niya na tulad sa pagtatayo ng tore, “Iisipin muna niya kung magkano ang magagastos niya” (TAL. 28). Hindi ibig sabihing huwag nating mahalin ang ating pamilya. Sa halip, kailangang gawin nating una si Jesus sa lahat. “Kung hindi ninyo magagawang talikuran ang lahat ng nasa inyo ay hindi kayo maaaring maging tagasunod Ko” (TAL. 33).

Kahit mahal na mahal ni Ronin ang kanyang pamilya, sabi niya, “Ano man ang kabayaran, alam kong sulit ito.”