Magkagalit kami ni nanay. Sa wakas, isang araw, pumayag na rin siyang magkita kami. Medyo malayo sa akin ang lugar at nakaalis na siya bago ako dumating. Sa galit ko, sinulatan ko siya ng isang liham. Pero dama kong inuudyukan ako ng Dios na tumugon nang may pag-ibig. Kaya binago ko ang laman ng liham. Matapos niya itong mabasa, tinawagan niya ako. Sabi niya, “Nagbago ka na.” Ginamit ng Dios ang liham ko para magtanong si nanay tungkol kay Jesus. Kinalaunan, tinanggap niya si Jesus bilang sariling Tagapagligtas.

Sa Mateo 5, sinabi ni Jesus sa mga alagad Niya na sila ang “ilaw sa mundo” (TAL. 14). Dagdag pa Niya, “Pagliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa mga tao, upang makita nila ang mabubuting gawa ninyo at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit” (TAL. 16). Kung tatanggapin natin si Jesus bilang Tagapagligtas, tatanggapin din natin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu. At babaguhin Niya tayo para maging mga patotoo ng katotohanan at pag-ibig ng Dios saan man tayo magpunta.

Dahil sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, maaari tayong maging liwanag ng pag-asa at kapayapaan. Nagiging pagsamba rin ang lahat ng kabutihang ginagawa natin. At sa tuwing nakikita ito ng ating kapwa, makikita nilang buhay ang ating pagtitiwala sa Dios. Sa pagsunod natin sa Banal na Espiritu, nabibigyan natin ng karangalan ang Dios Ama dahil sumasalamin tayo sa Liwanag ng Anak Niya–si Jesus.