Tinawag na “anghel dela guwardiya” si Jake Manna. Isang araw kasi, pinili niyang huminto sa gitna ng trabaho para sumama sa paghahanap sa isang nawawalang batang babae. Habang naghahanap ang iba sa mga bahay at bakuran, napunta si Jake sa kakahuyan. Doon niya nakita ang bata. Nakalubog ito hanggang baywang sa maputik na tubig sa latian. Dahan dahan niyang nilusong ang putik para iligtas ang bata at ibalik sa nanay niya. Puno naman ng pasasalamat ang ina.

Tulad ng bata, nakaranas din si Haring David ng pagliligtas. Ayon sa Salmo 40, matiyaga siyang naghintay sa Dios para sa katugunan sa mga panaghoy niya (TAL. 1). Tumugon naman ang Dios. Iniahon siya at inalis mula sa “malalim at lubhang maputik na balon” (TAL. 2). Naranasan na niya noon ang pagliligtas ng Dios mula sa mapuputik na yugto ng buhay. Kaya naman lubos na nag-alab ang pagnanais niyang umawit ng papuri sa Dios. Nadagdagan din ang pagnanais niyang patuloy na magtiwala sa Dios para sa hinaharap at ibahagi ang kuwento ng kabutihan ng Dios sa iba (TAL. 3-4).

Sa pagharap natin sa mga pagsubok ng buhay—kakulangan sa pera, hindi pagkakaunawaan sa pamilya, at iba pang uri ng kakulangan—lumapit nawa tayo sa Dios at matiyagang maghintay sa pagtugon Niya (TAL. 1). Handa ang Dios na tulungan tayo sa oras ng ating pangangailangan at bigyan tayo ng matatag na batong matatapakan.