Kinuha ni Coach Sherman Smith si Deland McCullough para maging manlalaro ng American football para sa Miami University. Minahal ni Sherman si Deland na para niyang anak. Sa wakas, naranasan ni Deland na magkaroon ng ama. Ninais din ni Deland na maging tulad siya ni Sherman. Sa paglipas ng mga dekada, natagpuan ni Deland ang inang nagsilang sa kanya. Laking gulat niya nang sinabi nitong “Sherman Smith ang pangalan ng tatay mo.” Hindi alam ni Sherman na may anak pala siya. Nagulat si Deland na tunay na tatay pala niya ang kinikilalang tatay-tatayan.

Nang magkita silang muli, niyakap ni Sherman si Deland at sinabing, “Anak ko.” Unang beses na may tumawag nang ganoon kay Deland. Sa dalawang salitang iyon, naramdaman ni Deland na nagagalak si Sherman na maging anak siya. Damang dama ni Deland ang matinding pag-ibig ng ama.

Kung tutuusin, higit na nakalulunod ang pag-ibig sa atin ng ating Ama sa Langit. Ayon kay Apostol Juan, “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag Niya tayong mga anak ng Dios” (1 JUAN 3:1 MBB). Gaya ng pagkagulat at pagkamangha ni Deland, puwede pala nating maging tatay ang Dios. Hindi man kapanipaniwala, pero giit ni Juan, “iyan nga ang totoo” (TAL. 1).

Kung nagtitiwala ka kay Jesus, tatay mo rin ang Kanyang Ama. Marahil parang ulila at mag-isa sa mundo ang pakiramdam mo. Pero ang totoo, mayroon kang Ama—ang nag-iisang perpektong Ama. At nagagalak Siyang tawagin kang anak.