Labindalawang taong gulang si Ibrahim nang dumating siya sa Italy mula sa West Africa. Hindi siya marunong magsalita ng Italian. Nauutal-utal siya at nakaranas din ng panghahamak bilang dayuhan. Pero hindi sumuko ang masipag na bata. Nagbukas siya ng sarili niyang tindahan ng pizza sa Trento, Italy. Naging isa sa limampung pinakasikat na tindahan ng pizza sa buong mundo ang negosyo niya.

Para naman matulungan ang mga batang nagugutom sa lansangan, inilunsad niya ang pizza charity. Sa pamamagitan nito, puwedeng bilhan ng mga customer niya ng pizza o kape ang mga nangangailangan. Hinihikayat din niya ang mga batang dayuhan na huwag sumuko at huwag magpaapekto sa panghahamak ng iba.

Paalala ang pagsisikap at pagpupursige ni Ibrahim sa sinabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Galacia: “Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya” (GALACIA 6:9-10).

Dumanas si Ibrahim ng panghahamak bilang isang dayuhan. Pero nagpursige siya at lumikha ng pagkakataon para gumawa ng mabuti. Naging tulay ang pagkain para sa pagkakaunawaan. Puwede rin tayong humanap ng mga pagkakataon para gumawa ng kabutihan. Kung gagawin natin ito, mabibigyan natin ng kapurihan ang Dios.