“Lilipad na bukas ang mga munting ibon!” Masayang balita ng misis kong si Cari. May pamilya kasi ng ibong namamahay sa basket na nakasabit sa labas ng bahay namin. Araw-araw niya iyong tinitingnan at kinukuhanan ng litrato. Kinabukasan, maagang binisita ni Cari ang mga ibon. Pero nagulat siya dahil ahas ang nasa pugad! Gumapang ito sa pader at kinain ang lahat ng ibon. Nagalit at nadurog sa lungkot ang puso ni Cari. Nasa ibang bayan ako noon, kaya tinawagan niya ang isang kaibigan para alisin ang ahas. Naialis man ang ahas, pero nakapaminsala na ito.
Sa Biblia, may nakatala rin tungkol sa isang ahas na nagdulot ng pinsala. Sa hardin ng Eden, nilinlang si Eba ng ahas tungkol sa pagkain mula sa punong ipinagbawal ng Dios: “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.” (ɢᴇɴᴇꜱɪꜱ 3:4-5).
Nakapasok sa mundo ang kasalanan at kamatayan dahil sinuway ni Eba at Adan ang utos ng Dios. At patuloy pa rin ang panlilinlang ng “matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas” (ᴘᴀʜᴀʏᴀɢ 20:2 ᴍʙʙ). Pero “naparito ang Anak ng Dios upang wasakin ang mga gawa ng diyablo” (1 ᴊᴜᴀɴ 3:8) at ipanumbalik ang relasyon ng tao sa Dios. Darating ang araw, gagawin ni Jesus na “bago ang lahat ng mga bagay” (ᴘᴀʜᴀʏᴀɢ 21:5 ᴀʙᴀʙ).
