Tumira kami sa isang bukirin sa Tennessee noong bata pa ako. Madalas kaming maglakad ng kaibigan ko sa kakahuyan. Sumasakay din kami noon sa maliliit na kabayo at pumupunta sa mga kamalig para panoorin ang mga cowboy na nag-aalaga ng mga kabayo. Pero kapag narinig ko na ang sipol ni tatay sa gitna ng iba’t ibang tunog, iiwan ko ano man ang ginagawa ko at uuwi na ako. Malinaw sa akin ang tunog. Alam kong tinatawag na ako ng tatay ko. Kahit ilang dekada na ang lumipas, kilala ko pa rin ang sipol ng tatay ko.
Sinabi ni Jesus sa mga alagad Niyang Siya ang Pastol at sila ang Kanyang mga tupa. “Kilala ng mga tupa ang boses niya,” sabi Niya, at “tinatawag niya ang mga tupa sa kani-kanilang pangalan at inilalabas sa kulungan” (ᴊᴜᴀɴ 10:3). Sa gitna ng mga naglipanang mga lider at guro na tinangkang lituhin ang mga sumusunod kay Jesus, sinabi Niyang malinaw na maririnig ang mapagmahal Niyang tinig. Higit na malinaw pa nga kaysa sa iba. “Sumusunod naman ang mga tupa dahil kilala nila ang boses niya” (ᴛᴀʟ. 4).
Pakinggan nawa nating mabuti ang tinig ni Jesus. Huwag natin itong ipagsawalang bahala. Dahil nananatili ang katotohanan: malinaw ang tinig ng Pastol, at naririnig ito ng Kanyang mga tupa. Nagsasalita si Jesus—maaaring sa pamamagitan ng isang talata mula sa Biblia, mga salita ng kaibigang nagtitiwala din kay Jesus, o sa pag-uudyok ng Banal na Espiritu—at naririnig natin Siya.
