Minsan, nahilo ako habang nasa hagdan ng opisina namin. Tila umiikot ang paligid ko, kaya kumapit ako sa barandal ng hagdan. Kumabog ang dibdib ko at nanghina ang mga binti ko. Laking pasasalamat kong matibay ang barandal. Kumonsulta ako sa doktor pagkatapos at nalaman kong may anemia ako. Hindi man malala ang sakit ko, pero hindi ko na malilimutan ang tindi ng panghihina ko nang araw na iyon.
Kaya naman, hanga ako sa babaeng humawak kay Jesus. Una, kinailangan niyang suungin ang maraming tao. Ikalawa, matinding pagtitiwala ang ipinakita niya nang lumapit siya para mahawakan si Jesus (MATEO 9:20-22). Lalo na at mahina ang katawan niya dahil matagal na siyang dinurugo. Kung tutuusin din, may dahilan siya para matakot. Puwede kasi siyang mahuli. Sa batas noon ng mga Israelita, marumi ang babaeng dinurugo. At magiging marumi rin ang mga tao at bagay na madidikit sa kanya (LEVITICO 15:25-27). Pero naglakas loob siya: Mahipo ko lang ang damit niya. Hindi lang simpleng “mahipo” ang salitang Griyegong ginamit sa Mateo 9:21, kundi “kumapit nang mahigpit.” Mahigpit na kumapit ang babae kay Jesus. Buo ang paniniwala niyang kaya siyang pagalingin ni Jesus.
Sa gitna ng maraming tao, nakita ni Jesus ang malalim na tiwala ng babae. Gayundin naman, kung magtitiwala at kakapit tayo kay Jesus, kakatagpuin at tutulungan Niya tayo. Hindi Niya tayo itataboy. Kaya dinggin mo ang tinig Niyang nagsasabing, “Kumapit ka sa Akin.”
