Nang marinig ni Tom ang “click” sa ilalim ng combat boots niya, agad siyang tumalon palayo. Mabuti na lang, hindi sumabog ang bombang nakabaon sa ilalim ng lupang natapakan niya. Kalaunan, walumpung libra ng bomba ang nahukay doon. “Ang masuwerte kong bota,” sabi ni Tom. Sinuot niya ang botang iyon hanggang sa tuluyan na itong masira.

Marahil pinahalagahan ni Tom ang mga botang iyon bilang simpleng pag-alala na muntik na siyang namatay. Pero may ibang taong itinuturing na masuwerte ang mga bagay. Ang iba, espirituwal pa ang turing at sinasabing “pinagpala” ang mga ito. Pero dapat nating tandaang hindi ang mga bagay ang pinagmumulan ng pagpapala, kundi ang Dios.

Natutunan ito ng mga Israelita sa masakit na paraan. Natalo sila ng mga Filisteo sa laban. Kaya naisip nilang dalhin sa kampo nila ang Kaban ng Tipan para iligtas sila ng Dios mula sa kanilang mga kaaway (1 SAMUEL 4:3). Tila magandang ideya ito dahil itinuturing na banal ang Kaban ng Tipan (TAL. 6-9). Pero mali ang pananaw nila. Inilagay nila ang tiwala nila sa isang bagay sa halip na sa nag-iisang tunay na Dios. Tuloy, mas malala ang naging pagkatalo nila. Naagaw din mula sa kanila ang Kaban ng Tipan (TAL. 10-11).

Hindi naman masama ang magkaroon ng mga bagay na magpapaalala sa ating magdasal at magpasalamat sa Dios. Pero mahalagang tandaan na hindi sa anumang bagay galing ang pagpapala. Tanging Dios lang, wala nang iba.