Kakapanaw lang ng asawa ng babae. Bukod sa kalungkutan, nag-aalala rin siya. Kailangan kasi niyang makalap ang ilang detalye tungkol sa aksidenteng ikinamatay ng asawa niya para makuha ang insurance nito. May pulis sanang tutulong sa kanya, pero naiwala niya ang calling card nito. Nanalangin ang babae at nagmakaawa sa Dios. Hindi nagtagal, nagpunta siya sa simbahan. Pagdaan niya sa bintana, may nakita siyang papel—ang calling card ng pulis! Hindi niya alam paano ito napunta doon, pero alam niya kung bakit.

Malaki ang pagpapahalaga ng babae sa panalangin. At bakit hindi? Ayon sa Biblia, pinapakinggan ng Dios ang mga hiling natin. “Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon,” dagdag pa ni Apostol Pedro, “ang kanilang panalangin ay kanyang pinakikinggan” (1 PEDRO 3:12 ᴍʙʙ).

Nakatala sa Biblia ang pagtugon ng Dios sa dasal ni Haring Hezekia. Malubha ang sakit ng hari. Sinabihan siya ni Propeta Isaias na maghanda na dahil malapit na siyang pumanaw. Alam ng hari ang dapat niyang gawin: “nanalangin [siya] sa Panginoon” (2 HARI 20:2). Agad inutusan ng Dios si Propeta Isaias na sabihin sa hari ang mensahe Niya: “Narinig ko ang panalangin mo” (TAL. 5). At nabuhay pa ng labinlimang taon si Haring Hezekia.

Hindi laging tumutugon ang Dios tulad ng isang calling card sa bintana. Pero tinitiyak Niyang hindi tayo mag-iisa sa pagharap sa mahihirap na sitwasyon sa buhay. Nakikita tayo ng Dios at kasama natin Siya. Naririnig Niya ang mga panalangin natin.