Nanguna ako sa isang retreat. Naging tema namin sina Maria at Marta—mga kapatid ni Lazarus na minahal ni Jesus (JUAN 11:5). Nasa malayong lugar kami noon, malapit sa baybaying dagat. Dahil sa lakas ng niyebe, hindi kami makauwi. Sabi ng ilang kalahok, puwede naming gamitin ang karagdagang araw para magsanay umupo sa paanan ni Jesus tulad ni Maria. Gusto rin nilang gawin ang iisang bagay na kailangan (LUCAS 10:42)—ang piliing maging malapit kay Jesus at matuto mula sa Kanya. Ito ang buong pag-ibig na sinabi ni Jesus na dapat gawin ni Marta.

Hindi alam ni Marta na bibisita sa kanila sina Jesus at mga kaibigan Niya. Naghahabol siya sa oras. Kaya maiintindihan natin kung bakit aburido si Marta kay Maria na hindi tumulong sa paghahanda. Pero nawala ang tuon ni Marta sa tunay na mahalaga—ang tumanggap mula kay Jesus habang natututo sa Kanya. Hindi sinita ni Jesus si Marta dahil sa kagustuhan niyang magsilbi. Sa halip, pinaalalahanan Niya si Marta dahil nakaligtaan nito ang pinakamahalaga.

Sa tuwing magiging bugnutin tayo dahil sa mga paggambala sa atin o sa dami ng gusto nating gawin, tumigil muna tayo. Ipaalala natin sa sarili natin kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay. Habang nakaupo tayo sa paanan ni Jesus, hilingin nating punuin Niya tayo ng pag-ibig at buhay Niya. Magalak tayo na iniibig Niya tayo at tinuturing Niya bilang mga disipulo.