May panahon ng patotoo sa panambahan namin. Ito ang pagkakataon namin para ibahagi ang ginagawa ng Dios sa buhay namin. Puno ng papuri sa Dios ang mga patotoo ni Auntie, na kilala rin sa amin bilang Sister Langford. Kapag binabahagi niya kung paano niya nakilala si Jesus, alam na naming malaking bahagi ng pagtitipon ang magagamit niya. Nag-uumapaw kasi ang puso niya ng papuri sa mahabaging Dios na bumago sa buhay niya.
Kahalintulad niyan ang patotoo ng nagsulat ng Salmo 66. Puno rin siya ng papuri sa Dios. Pinatotohanan niya ang ginawa ng Dios para sa mga Israelita, “Halikayo at tingnan ang kahanga-hangang ginawa ng Dios para sa mga tao” (TAL. 5). Kasama sa mga ginawa ng Dios ang mapaghimalang pagsagip Niya (TAL. 6) at ang pag-iingat Niya sa kanila (TAL. 9). Sinubok at itinuwid din sila ng Dios para mapadalisay sila (TAL. 10-12).
May mga karanasan tayong tulad ng karanasan ng ibang nagtitiwala kay Jesus. Pero may mga karanasan din tayong iba sa lahat. May partikular na pagpapahayag ba ang Dios sa iyo tungkol sa sarili Niya? Mahalagang ibahagi mo iyan sa iba. Kailangan nilang malaman kung ano ang ginagawa ng Dios sa buhay mo. Hinihintay nilang tawagin mo sila: “Halikayo at makinig, kayong lahat na may takot sa Dios. Sasabihin ko sa inyo ang mga ginawa niya sa akin” (TAL. 16).
