Sabi ng isang babae, “Ayaw kong maging tagasunod ni Jesus. Boring kasi. Gusto ko ng kapanapanabik na buhay.” Nakakalungkot. Hindi niya alam ang walang katulad na kaligayahan at kapanapanabik na buhay na para sa mga nagtitiwala kay Jesus. Agad kong ibinahagi sa kanya ang tungkol kay Jesus at ang tunay na buhay na matatagpuan sa Kanya.

Kulang ang salita para ilarawan ang kapanapanabik na buhay kasama ang Anak ng Dios na si Jesus. Pero sa Efeso 1, pinasilayan ito sa atin ni Apostol Pablo. Bibigyan tayo ng Dios ng “pagpapalang espirituwal mula sa langit” (TAL. 3), pati ng kabanalan at kawalan ng kapintasan sa mata ng Dios (TAL. 4). Gayundin, itatalaga Niya tayo upang maging anak Niya (TAL. 5). Bibiyayaan din Niya tayo ng labis-labis na kapatawaran at kabutihang-loob (TAL. 7-8). Bibigyan Niya rin tayo ng kaunawaan sa “kanyang lihim na plano” (TAL. 9), at ng bagong layunin sa buhay para “magbigay-puri sa kanya” (TAL. 12). Mananahan sa atin ang Banal na Espiritu para palakasin at pangunahan tayo (TAL. 13). Makatitiyak din tayo ng buhay na walang hanggan sa piling Niya (TAL. 14).

Kapag naging bahagi si Jesus ng buhay natin, matutuklasan nating wala nang mas kapanapanabik na buhay kaysa sa makilala Siya at sumunod sa Kanya. Hangarin natin Siya ngayon at sa araw- araw para sa isang tunay na kapanapanabik na buhay.