Inaaral ni Grainger McKoy ang mga ibon upang maililok ang mga ito. Isang likha niya ang tinawag niyang Recovery. Pinapakita dito ang kanang pakpak ng pato na nakaunat pataas. Ayon sa nakasulat na paglalarawan, ito ang recovery stroke o ang panahon na pinakamahina ang pato. Pero ito rin ang panahong kumukuha ito ng lakas na kailangan sa paglalakbay. Isinama rin ni Grainger ang sinabi ng Dios kay Apostol Pablo: “Sapat na sa iyo ang aking biyaya, dahil ang kapangyarihan ko’y nakikita sa iyong kahinaan” (2 CORINTO 12:9).

Dumaraan noon si Pablo sa isang mahirap na yugto ng buhay niya. Nagmakaawa siya sa Dios na tanggalin ang tinawag niyang “pahirap sa aking katawan” (TAL. 7 ᴍʙʙ). Maaari itong isang pisikal na sakit o kaya pagpapahirap sa espiritu niya. Tulad ni Jesus noong gabi bago Siya namatay (LUCAS 22:39-44), paulit-ulit hiniling ni Pablo sa Dios na tanggalin ang paghihirap niya. Tumugon ang Banal na Espiritu na ibibigay Niya ang lakas na kailangan ng apostol. Natutunan ni Pablo na “kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios” (2 CORINTO 12:10).

Iba’t iba ang mga paghihirap na nararanasan natin sa buhay. Ngunit tulad ng patong kumukuha ng lakas para sa paglalakbay, puwede tayong humugot ng lakas mula sa Dios para sa kinakaharap natin. Matatagpuan natin ang lakas natin sa kalakasan Niya.