Una kong napansin ang mga pasugalan. Sumunod ang mga tindahan ng ipinagbabawal na gamot at malalaswang produkto. Marami ring malalaking poster ng mga oportunistang abogado na ginagawang kabuhayan ang paghihirap ng iba. May mga napuntahan na akong hindi kaaya-ayang lungsod dati, pero mas malala ang lungsod na ito.

Gumaan naman ang loob ko kinaumagahan dahil sa kuwento ng isang drayber. “Araw-araw, idinadalangin ko sa Dios na ipadala sa akin ang mga gusto Niyang tulungan ko. Marami nang mga sugarol, nagbebenta ng aliw, at mga mula sa magulong pamilya ang nagkuwento ng buhay nila habang nasa taxi ko. Hinihinto ko ang taxi. Nakikinig ako. Ipinapanalangin ko sila.”

Inilarawan ni Apostol Pablo ang pagdako ni Jesus sa makasalanang mundo (FILIPOS 2:5-8). Pagkatapos, ibinaba naman niya ang tungkulin ng mga nagtitiwala kay Jesus: sundin ang kalooban ng Dios (TAL. 13) at panghawakan ang “salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan” (TAL. 16). Habang ginagawa natin ito, nagsisilbi tayong “mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao,” mga “ilaw na nagliliwanag” (TAL. 15).

Sabi ng mananalaysay na si Christopher Dawson, para baguhin ang mundo, kailangang mabuhay nang tapat ang mga nagtitiwala kay Jesus. Dahil sa buhay na iyon “nakapaloob ang misteryo ng buhay ng Dios.” Hingin natin sa Dios ang tulong Niya para mapagningning natin ang liwanag ni Jesus kahit sa pinakamadilim na lugar.