Itinuturing ng marami na pinakamagaling na pares sa pagtugtog ng piyano sina Ferrante at Teicher. Sa sobrang galing nila, inilarawan ang istilo nila bilang apat na kamay pero iisang pag- iisip. Kapag narinig mo sila, alam mong matindi ang paghahanda nila para paghusayin ito. Pero maliban sa pagsisikap at pagha- handa, mahal talaga nila ang pagtugtog. Kahit nagretiro na noong 1989, pumupunta minsan sina Ferrante at Teicher sa tindahan ng piyano para tumugtog. At nagkakaroon ng biglaang konsyerto doon. Mahilig lang talaga silang gumawa ng musika.

Tulad nila, mahal din ni David ang paggawa ng musika. At dahil ang Dios ang katambal niya, mas mataas ang layunin ng musika niya. Makikita sa mga salmo niya ang mga paghihirap niya, pati ang pagnanais niyang mabuhay nang umaasa sa Dios. Kahit pa nga maraming kahinaan at kabiguan, kinilala niya ang kadakilaan at kabutihan ng Dios maging sa pinakamadilim na yugto ng buhay niya. Nakasaad sa Salmo 18:1 ang puso ni David, “Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.”

Dagdag pa niya, tumatawag siya sa Dios na karapat-dapat papurihan (TAL. 3). At kapag naghihirap, sa Dios siya humihingi ng habag (TAL. 6). Tulad ni David, anuman ang sitwasyon natin, itaas nawa natin sa Dios ang puso natin at ibigay sa Kanya ang papuri at pagsamba. Karapat-dapat Siya sa lahat ng papuri!