Nang pumanaw ang reyna ng England na si Queen Elizabeth noong Setyembre 2022, libo-libong sundalo ang nag-martsa upang ihatid ang kanyang mga labi sa huling hantungan. Sa dami nila, malamang hindi pansin ang ginampanan ng bawat isa sa kanila. Pero para sa marami sa kanila, isa itong napakalaking karangalan. “Pagkakataon ito para paglingkuran ang Reyna sa huling pagkakataon,” sabi ng isang sundalo. Para sa kanya, mahalaga ito hindi dahil sa kung ano ang ginawa niya, kundi kung para kanino niya ito ginawa.
Katulad din iyan sa tungkulin ng mga Levita na pangalagaan ang mga kagamitan sa Toldang Tipanan. Tila mga pangkara- niwang mga gawain ang itinalaga sa mga angkan nina Gershon, Kohat, at Merari: paglilinis ng mga kagamitan, ilawan, kurtina, poste, bubong, at tali (BILANG 3:25-26, 28, 31, 36-37). Pero ang Dios mismo ang nagbigay sa kanila ng tungkulin upang “pangalagaan ang lahat ng kagamitan sa Toldang Tipanan (TAL. 8). Nakatala pa nga ito sa Biblia.
Nakapagpapatibay ng loob ang bagay na iyan! Marahil minsan pakiramdam natin hindi mahalaga ang mga ginagawa natin sa trabaho, bahay, o simbahan. Dito kasi sa mundo, posisyon, titulo, at laki ng sweldo ang pinahahalagahan. Pero iba ang pagtingin ng Dios. Kung para sa Dios ang paglilingkod natin at pinaghuhusay natin ang ginagawa natin para parangalan Siya, mahalaga ito. Dahil ang Dios na dakila mismo ang pinaglilingkuran natin.
